Wednesday, June 17, 2009

BUKAS NA LIHAM PARA SA MGA RESTAURANT TEAM MEMBERS (RTM) NG KFC PHILIPPINES.

Para sa mga kapwa naming RTM:

Marami tayong mga RTM na matatagal ng namasukan sa ibat-ibang KFC Restaurants na isang (1) taon o mahigit pa ang length of service, subalit hangang sa ngayon ay hindi parin natin nararanasan na maging isang Regular Employee sa anumang group of Companies ng KFC-Philippines na buong puso at husay nating pinaglilingkuran. Marahil ay nagtataka kayo ngayon kung bakit ang ELIXER at TOPSPOT Cooperatives na naman ang ating Employer ngayon na kung dati-rati naman ay palipat-lipat lang tayo ng Employment Contract sa ibat-ibang Company ng mga KFC restaurant branches. Hindi nyo ba nahahalata noon kung bakit tayo pinaiikot-ikot lang na parang trumpo tuwing mag e-end of contract tayo sa ika-limang (5) buwan gayong mahusay at maayos naman ang ating performance?

Sa Labor Code of the Philippines ay nakasaad na ang isang empleyadong namasusukan ng higit sa anim (6) na buwan o isang (1) taon ng tuloy-tuloy sa isang Kompanya ay maaring maging isang Regular Employee. Bakit ba hindi applicable ang batas na ito sa atin? Samantala ang ibang mga mapapalad na mga Regular Employee sa ibat-ibang Group of Companies ng KFC Philippines ay nagtatamasa ng mga sumusunod na benipisyo:

  1. 10 days Vacation Leave / 10 days Sick leave with pay after one (1) year service.
  2. Performance Bonus or Incentives
  3. Christmas Bonus
  4. Free Maxicare Health Card
  5. Annual Performance Appraisal & Salary Adjustment
  6. Guaranteed eight (8) working hours and salary per duty.
  7. Due process on all Notice of Charges, Disciplinary Action and or Termination
  8. Separation Benefits / Financial Assistance

Ano nga ba ang pagkakaiba natin sa mga naging Regular Employee ibat-ibang Group of Companies ng KFC Philippines? Sila ba ay mapalad at malalapit sa Panginoon? na kung tutusin, parehas lang naman ang HALAGA ng ating mga ginagampanang papel para patakbuhin ang mga KFC Restaurants at paunlarin ito. Bakit nga ba ayaw ng KFC-Philippines Management na tayo ay gawing Regular Employee? Sana tinatamasa natin ngayon ang mga nasabing benipisyo kung mga namamahala nito na sina: JESUS MONTEMAYOR -President , MA. JUDITH MARCELO-VP for Operations, DINNU TIU– VP for Finance, AUMER REYES -HRMD Director. Mahuhusay din at tuso ang kanilang mga Corporate Lawyers katulong ang serbisyo ng ECOTAX na siyang gumagawa ng mga “MAGICS and DECEPTIONS” sa tunay na katangian ng mga Group of Companies ng KFC-Philippines kung kaya’t ang ating Employment Status ay nagagawang LEGAL kahit hindi MAKATAO at MAKATARUNGAN. Naitatago din nila ang mga tunay na katangian ng nasabing mga Group of Companies mula sa Publiko at Gobyerno ang panlilinlang sa atin.

Ang buong KATOTOHAN ang ibat-ibang Group of Companies ng KFC Philippines kung saan tayo dati pinagpalipat-lipat ng Employment Contract noon at ang mga Cooperative na ELIXER at TOPSPOT ngayon, ay IISA LANG. Isang Presidente, Isang Operations Department, Isang Human Resource Department, Isang Accounting at Treasury at higit sa lahat IISA LANG ANG TUNAY NA MAY-ARI NITO, ang pamilyang AGUSTINES, na siya ring may ari ng buong RAMCAR group of Companies kasama ang MOTOLITE, Mister Donut, Tokyo-Tokyo, Agus Realty & Development, Philippine Lead Corporation at marami pang Iba. Sadyang hinati-hati nila sa maraming Group of Companies at mga Cooperatives ang ibat-ibang branches at depatamento ng KFC Philippines dahil sa mga sumusunod na dahilan:

  1. Makaiwas sa direktang Employee and Employer Relationship na maaring magtakda sa ganap na karapatan ng mga dating rehired at under ELIXER at TOPSPOT Cooperatives na mga mangagawa sa KFC-Philippines.

  1. Mahati-hati ang mga existing Regular Employee upang mahirapang makapagbuo ng Labor Union na dapat magsusulong ng MAAYOS NA PASAHOD, TAMANG BENIPISYO at MAKATAONG WORKING CONDITIONS at higit sa lahat ay MABIGYAN NG PROTEKSYON ANG SECURITY OF TENURE ng mga RTM.

  1. Mabawasan ang mga dapat na bayarin ng Kompanya sa mga Business Taxes and Fees sa Gobyerno.

Nitong nagdaang mga araw marami sa ating mga kasamahang RTM na matatagal ng nagseserbisyo sa KFC Philippines ang walang “due process” na tinangalan ng duty sa mga KFC restaurants sa buong bansa at pinabalik sa ELIXER at TOP SPOT Cooperatives sa dahilang HINDI SILA PUMASA SA POLYGRAPH EXAMINATION at HINDI NA MEET ANG STANDARD PERFORMANCE na expected ng KFC Management Teams. LEGAL nga ba at makatarungan ang ginawa sa kanila? HINDI ITO MAKATAO AT MAKATARUNGAN, subalit hindi naman daw natin direktang Employer ang KFC-Philippines kung kayat kahit ayaw lang nila sa pagmumukha natin o feeling lang ng Management Team ay maari nila tayong tangalan ng duty kahit kailin nila ito gusto.

Ipinag duduldulan nila sa atin na hindi ang anumang Group of Companies ng KFC Philippines an gating Employer, kundi tayo ay mga meyembro ng ELIXER at TOPSPOT Cooperatives na nagbibigay ng serbisyo sa KFC Philippines. Hindi din daw sila tinatangal ng ELIXER at TOPSPOT kundi naka “floating status” lang. Ang pinaka masaklap, niloko pa sila at pinangakuan daw ng ELIXER at TOPSPOT ng bagong deployment sa ibang Kompanya, na imposible namang mangyari dahil ang ELIXER at TOPSPOT ay itinayo ng KFC-Philippines Management para matugunan lang ang Manpower Requirements ng KFC restaurants, at wala ng iba pa. Sana tinapat nalang at sinabi ang totoo sa mga tinangal para hindi na umasa at makapahanap nalang ng bagong trabaho. Dapat sinabi nalang ang KATOTOHANAN na HINDI NA SILA KAILANGAN ng KFC Philippines dahil marami namang walang mga trabaho at pipila bilang mga aplikante. Ang NAKAKAINSULTO, ang mga tinangal na RTM pa ang siya ginamit na mag training sa mga bagong rekrut na RTM na papalit sa kanila at pagkatapos ay saka sinabi na tangal na sila.

Ano ba tingin ng may-ari ng KFC-Philippines at Management sa sa atin? Isang LAPSED o EXPIRED KFC Product na puwede ng spoilage kung end of the day na? Ganyan ba ka babaw ang pagtingin nila sa atin? Ituring ba naming isang Raw Materials o Sangkap lang sa pagluto ng Finger Licking Goods. BAKIT? Kung wala bang mga RTM sa mga KFC restaurant kaya bang mag operate mag-isa nito? Kung mga Managers lang ba ang magtatrabaho tatakbo ba ang mga Restaurants at kikita ba ito? Kung wala bang mga RTM siskat ba at dadami ang mga KFC branches sa buong Pilipinas? Bakit hindi nila tayo ituring na isang MAHALAGANG BAHAGI ng pag unlad ng KFC-Philippines o kahit ituring manlang tayong TAO na may BUHAY, may DIGNIDAD, may KARAPATAN, may DAMDAMIN, NASASAKTAN at may ISIP?

Lingid sa ating nalalaman, kaya tinangal ang mga matatagal ng RTMs sa mga KFC Branches ay upang makaiwas sa kakaharaping problema ng mga Cooperatives pagdating ng araw. Dahil ang isang RTM bilang isang Associate Member ng ELIXER at TOPSPOT Cooperative ay maari ng maging isang Regular Member pagkalipas ng dalawang (2) taon. Ito ay naayon sa Republic Act 6938 of 1990 o Cooperative Code of the Philippines. Nakasaad din dito na maari na tayong makaboto sa mga pulong at desisyon upang palitan ang mga Opisyal at mga Polisiya ng nasabing mga Cooperative o sa maksimum na agawin natin ang kontrol at pamumuno nito, na kung tutuisin tayo naman ang dapat bilang mga mangagawa ang tunay na may-ari ng mga nasabing Cooperatives.

Ang malaking katanungan: talaga nga bang mga myembro tayo ng mga nasabing Cooperatives? Bakit hindi tayo pinagbabayad Membership Fee? Bakit hindi tayo pinadadalo sa mga General Assemblies? Bakit wala tayong Share/Dividends sa kinita o tubo ng mga nasabingCooperative? Hindi ba ginagamit lang ang ELIXER at TOPSPOT ng RAMCAR upang tayo ay lansihin at itago ang ating tunay na Employment Status upang makaiwas sila na maibigay sa atin ang tamang pasahod, benipisyo at maayos na working conditions sa lahat ng branches ng KFC Philippines? Hindi ba Empleyado parin tayo ng tunay na na iisang MAY-ARI ng buong sestima ng KFC Philippines?

ANO ANG ATING DAPAT GAWIN?

  1. Basahin at unawain ang nilalaman ng pahayag na ito at kung concern ka sa sarili mong kapakanan at mga kasamahan natin, ipasa mo ito sa iba pang RTM na apektado sa isyung ito. Subalit ingatan lang na hindi ito mapunta at mabasa ng mga sipsip at traydor ng Kompanya. Mag ingat din at huwag magtiwala sa ibang mga Managers, SRS at Guards na sarado ang isip at gustong magpasikat lang sa KFC Management… Kung hindi mag iingat, maari kang matangal sa trabaho o mapag-initan.

  1. Kung ikaw ay natangal na sa KFC restaurants at nais mong ipaglaban ang iyong KARAPATAN, DIGNIDAD at PAGKATAO; Kayo ay magsadya sa opisina ng DOLE -National Labor Reconcialition Commission (NLRC) sa Banawe St. Quezon City kung ang mga KFC branches na pinasukan mo ay sakop ng National Capital Region (NCR), kung ikaw naman ay nasa mga Probinsya gaya ng Laguna, Cavite, Batangas Quezon, Bicol, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, La Union, Baguio, Cebu, Iloilo, Bacolod, Tacloban, Davao, Cagayan, Gensan, Zamboanga, kayo ay magsadya sa mga Regional Offices ng DOLE-NLRC at sama-samang magsampa ng reklamo ng Illegal Dismissal, Non payment of Separation Fee, at Exemplary Damages laban sa may–ari ng KFC Philippines Franchisee and Group of Companies na si Mauro Agustines at Presidente na si Jesus Montemayor. Sa kasalukuyan, meron ng nakasampang kaso ang marami nating mga kasamahan sa DOLE-NLRC National Capital Region sa Case No: NCR-05-07901-09. Huwag kalimutang magdala ng Identification / Pay slip/ print out ng SSS contribution na mag papatunay na kayo ay naging empleyado sa anumang group of Companies o ELIXER & TOPSPOT Cooperatives ng KFC Philippines. Tayo ay makipag ugnayan sa iba pa nating mga kasamahan na nakapag sampa na ng kaso para maging mas malakas pa ang ating puwersa at makasiguro ng ating pagkapanalo sa kaso. Huwag kayong mag-alala, marami tayong mga Labor Lawyers na MAKATAO na handang tumulong at magbigay ng LIBRENG LEGA ASSISTANCE sa laban natin.

  1. Kung ikaw kasalukuyang naka duty pa sa KFC at lagpas na sa anim (6) na buwang namamasukan bilang isang RTM /Team Leader sa kahit saang KFC branches sa Pilipinas, dapat ngayon palang ay mag isip-isip kana, baka sa susunod na mga araw ay matatangal kana rin sa trabaho mo. Kaya, kung gusto mo hindi ito mangyari sayo, dapat kausapin natin ang ating mga kapwa RTM na malawak ang pag-iisip, hindi makasarili at hindi takot na ipaglaban ang kanyang mga karapatan , at palihim nating buuin ang isang grupo ng barkadahan na may iisang layunin. Dito natin sisimula at unti-unting itatayo ang isang MATIBAY at MALAWAK na samahan ng mga RTM sa lahat ng KFC branches sa buong Pilipinas para isulong at ipaglaban ang mga sumusunod:

    1. Ipatigil ang hindi makaturungan tanggalan sa trabaho na ang basehan ay Polygraph Examination result at Subjective na Performance Standard. Naniniwala tayo na hindi dapat maging Legal na EBIDENSYA upang pagbintangan ang isang tao na pagkakasala sa pagnanakaw, pandaraya,pakikipagsabwatan o anumang pag suway sa KFC Code of Conduct. Kung isang matuwid at makatarunagn “Honesty Test Program” ang gusto ng ng May-ari at Management ng KFC Philippines; dapat ang Polygraph Exam ay simulan muna sa Presidente, Divisions Vice Presidents, Department Directors & Managers, Operations Managers at mga Area Coaches at lahat tangalin din ng May-ari ng Kompanya ang mga hindi papasa dito. Kung may nakawan at dayaan man sa KFC Philippines halagang MILYON ang nakukuha ng mga Opisyal at bary-barya lang ang pwedeng nakawin ng mga suwail na RTM. Dapat sila ang maging Modelo ng katapatan para tularan ng nating mga nasa baba.

    1. Buwagin ang mga huwad na Cooperative na Elixer at Top Spot na ginagamit lang na instrumento ng KFC Management upang iwasan ang kanilang mga responsibilidad sa mga RTM na dapat regular status na ngayon at tinatamasa na ang mga benipisyong tinatangap ng mga Managers at regular RTMs. Gawing Regular Employee ang lahat ng mga RTM na nagsilbi na sa KFC ng higit sa anim (6) na buwan pataas kasama ang mga tinanggal na Polygraph Result at subjective performance lang ang dahilan.

    1. Kilalanin ng KFC Philippines Management ang karapatan ng mga RTM sa buong Pilipinas na makapagtayo ng Unyon at Collective Bargaining Agreement (CBA) upang maisulong ang maayos na pasahod, benipisyo at working condition sa mga Restaurants nito at maprotektahan an gating mga karapatan bilang mangagawa na nakasaad sa Labor Code of the Philippines.

ANO ANG ATING KAKAHARAPIN AT MAGTITIYAK SA ATING TAGUMPAY ?

Ang gagawin natin ay isang PANGARAP at SUGAL na maaring hindi mangyari pag hindi natin ginawa at takot tayong humarap sa mga pagsubok at sakripisyo na daraanan. Lagi lagi nating tandaan na ang PANGARAP ay hindi naisasakaturan kung wala tayong tiwala sa ating sarili at paniniwala na kaya nating gawin ito. Samantala ang SUGAL ay hindi mananalo kahit kalian kung hindi ka TATAYA. Ang May-ari at Management ng KFC Philippines ay lumaki at nagpayaman dahil sa pangarap, tiwala sa sarili, mahusay na plano at sugal na kahit tayong mga RTM ay niloloko at inaapi nila ay kalianman hindi lalaban at mag aalsa laban sa kanila.

Nasa ating sariling lakas at pagkakaisa ang susi ng tagumpay hindi sa kung sinumang mga lider na nagpapangap na huwarang propeta. Una Kailangan nating ipakita sa may-ari at Management ng KFC Philippines na tayo ay solidong nagkakaisa at malawak ang kasapian. Pangalawa, gagamitin natin ang maraming pamamaraang legal at semi-legal upang mapilitan ang KFC management na ibigay ang ating mga kahilingan. Pangatlo, kailangan nating maipakita at maipadama sa May-ari at Management ng KFC ang ating kahalagahan bilang RTM sa mga KFC branches sa buong bansa sa pamamagitan ng sama-sama at sabay-sabay na pagkilos.

Dapat tayong maghanda, marami tayong kahirapan at mga problema na kakaharapin sa labang ito. Dahil sa karanasan ng mga nagtagumpay na laban ng mga mangagawa HINDI KUSANG IBIBIGAY NG MAY-ARI at MANAGEMENT ANG ATING MGA KAHILINGAN NG WALA SILANG PINANGANGAMBAHAN BANTA MULA SA MGA RTM o LABAN. Huwag tayong matakot at mabahala na mangyayari sa atin ang ginawang pagdurog ng RAMCAR Management sa Mister Donut Employees Union noon, dapat nating aralin at matutunan ang kanilang mga kahinaan at maling karanasan upang ang mga leksyon nito ang magsisilbing tanglaw sa ating daraanan.

HINDI natin ito ginusto na mangyari, kung naging maayos lang at makatao ang naging trato sa atin, subalit wala tayong ibang opsyon kundi gawin ang nararapat at ituwid ang MALI. Kaya dapat hindi tayo matakot na ipaglaban ang ating mga KARAPATAN, DIGNIDAD, PRINSIPYO at PAGKATAO, dahil ito nalang ang nalalabi sa katulad nating mahihirap at pinagkaitan ng opurtunidad sa lipunang ito. Huwag din nating payagan pa na ang ibang mga bagong recrut ng ELIXER at TOPSPOT ay malinlang at mapagsamantalahan pa.

Ang ating magiging tagumpay sa labang ito ang magsisilbing tanglaw at inspirasyon ng iba pa nating mga kasamahan na niloloko at pinagsasamantalahan ng ibang pang mga Fastfood Establishments gaya ng McDonalds, Jollibee, Chowking, Pizza Hut, Wendys, Greenwhich, 7 Eleven, Goldilocks, Red Ribbon, Tokyo-tokyo, Starbucks, Figaro, Kenny Rogers at marami pang iba.

KFC Philippines - RTM Movement

Para maabot ang malawak na hanay ng mga Restaurant Team Members (RTM) ng KFC Philippines sa buong bansa, ang BLOG na ito ay ginawa upang maging daluyan ng ating komunikasyon at mga pahayag upang mabuo natin ang iisang layunin na maorganisa ang ating hanay at sama-samang kumilos upang ipagtangol at ipaglaban ang ating mga KARAPATAN, BENIPISYO AT MAAYOS NA WORKING CONDITION.

Ang mga RTM ay matatagpuan sa maraming KFC Restaurant branches sa mga sumusunod na lugar sa Pilipinas:

1. National Capital Region
2. Laguna Province
3. Cavite Provinvince
4. Pampanga Province
5. Bulacan Province
6. Gapan City
7. Cabanatuan City
8. Tarlac City
9. Balanga City
10. Dagupan City
11. San fernando La Union
12. Baguio City
13. Lucena City
14. Naga City
15. Cebu City
16. Bacolod City
17. Iloilo City
18. Cagayan De Oro City
19. Zamboanga City
20. Davao City
21. General Santos City